Thursday, May 26, 2011

CHAPTER 34

"Isabel, matagal ka pa ba diyan sa kwarto mo?" kumakatok si mama sa pintuan ng aking kwarto. Balak kasi namin na umalis at magpa-salon na magkasama. Sa unang pagkakataon, ngayon lang ako inanyaya niyang sumama upang magpaganda. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin.

"Ngayon na magbabago ang lahat, Isabel," sabi ko sa sarili ko. "Magiging akin si Christian." Umalis na ako at lumabas sa kwarto. Paglabas ko nandoon si mama at naghihintay sa akin.

"Bakit ang tagal mo? Alam mo naman na isa sa pinakaayaw kong gawin ang maghintay," naiinis na tanong niya sa akin.

"Pasensya na..." dali-daling sagot ko na binara niya ako.

"Huwag kang humingi ng pasensya!" Nagtataka ako kung bakit. "Binibigyan mo lang ng dahilan ang iba na tingnan kang mababa." Nauna nang lumakad si mama at sumunod ako sa kanya. Ngunit nang papalabas na kami ay biglang may tumawag sa amin.

"Saan kayo pupunta?" tanong ng isang boses na lalaki na si Tito Arturo pala. Tumingin si mama sa kanya sa likod.

"Honey, pupunta kami sa salon, malapit na kasi ang pasukan sa kolehiyo and I want Isabel to have a new look." Hindi makaimik si Tito Arturo. Bakas sa kanyang mukha ang labis na kalungkutan at pagkabagabag. Halos mag-iisang linggo nang nawawala si Carmela at para bang ang panahon ay bumabagal para sa kanya.

"Sige, umalis na kayo," pumayag na rin siya. "Umuwi lang kayo nang maaga at saka...magdala kayo ng bodyguards." Pumanhik na siya sa itaas at pumasok sa kanyang silid. Lumabas na kami ni mama at sumakay sa kotse.

"Tatandaan mo, Isabel, ang sinabi ko sa iyo," paalala ni mama sa akin. "Dapat handa mong gawin ang lahat para makuha ang lahat ng gusto mo." Ito ang mga salitang binitiwan niya sa akin habang papunta kami sa salon. Tama nga ang mama, hindi ko makukuha ang mga gusto ko kung hindi ako handang gawin ang lahat para makuha ang mga ito. Nang marating rin namin ang salon, ipinakilala ako ni mama sa manager ng salon at dinala niya ako sa shampoo area at pagkatapos sa hair cutting area atbp. Pagkatapos ng ilang minuto ay natapos na rin at nakita ko ang sarili ko sa salamin.

"Ang ganda ko," ito lang ang nasabi ko sa sarili ko nang makita ko ang aking sarili sa salamin. Lumapit si mama sa akin.

"Kalimutan mo na ang dating Isabel," sabi niya sa akin. Umalis na kami sa salon at nagpunta sa mall kung saan kaming mag-ina ay namili ng mga damit at fashion accessories. Pagkatapos ng aming pamamasyal, pumasok kaming dalawa sa isang restawran at kumain. "Alam mo ba kailangan uuwi si Christian galing ng California?"

"Hindi ko alam, mama," sagot ko sa kanya.

"Bukas." Sabay subo ng pagkain sa kanyang bibig. "Dapat ito ang gawin mo-maging malapit kayo ni Christian hanggang sa makalimutan niya si Carmela. Naiintindihan mo ba?"





"Opo, naiintindihan ko."

No comments:

Post a Comment