Wednesday, February 2, 2011

CHAPTER 28

"Anong ibig mong sabihin?" napatanong ako.

"Hindi ko kapatid si Michael, anak siya ng nanay ko," pagbubunyag ni Adrianne sa akin. "Nang dahil sa batang iyan, namatay ang tatay ko." Hindi ako makapaniwala sa pagbubunyag ni Adrianne. "At ngayon, ang tanging alaala ko sa tatay ko, nawala pa niya!"

"Kaya pala..." napaisip tuloy ako. "Kaya pala...nabanggit ni Michael na mahalaga sa iyo ang kalabaw na iyon." Tumayo ako at papaalis na sana.

"Saan ka pupunta?"

"Hahanapin ko si Michael," sagot ko.

"Huwag mo nang ituloy ang binabalak mo," sabi ni Adrianne sa akin. "Madilim na, ipagpabukas mo na lang iyan."

"Hahanapin ko siya, baka napaano iyon," sagot ko naman sa kanya. "Kung hindi mo kayang mapatawad si Michael at hindi mo siya kayang ituring na kapatid, ituring mo rin siyang inosente at walang malay sa mundong ito." At saka lumakad na ako paalis.

Hinanap ko si Michael kahit na ramdam na ramdam ko pa rin ang sakit sa aking paa. "Hindi na nga ba...kayang mapatawad ni Adrianne si Michael" napatanong ako sa sarili ko. Gusto ko sanang humanap ng paraan upang magkabati ang dalawang iyon, at ito'y hinahanap ko si Michael. Hinanap ko siya sa mga bahay-bahay, sa kalagitnaan ng dilim. Ngunit hindi ko nakita ang maliit at payat na batang si Michael.

"Manang, nakita niyo po ba ang isang bata, maliit at payat tapos iyung suot niyang damit, puti?" tanong ko sa isang ale sa kalsadang nasisilawan lamang ng bumbilya ng poste.

"Pagpasensyahan mo na, iha," sagot niya. "Hindi ko nakita ang batang tinutukoy mo." At umalis na ang ale. Nagpatuloy ako sa aking paglalakad at umaasang makikita ko siya...ngunit nabibigo ako. Naisip ko na baka nakauwi na iyon...ngunit malabo rin mangyari iyon kasi natatakot pa iyung bata sa kuya niya. Sa aking paglalakad, may nakita akong isang mama na naka-jacket at naka-maong. Nakatayo lamang siya poste. Marahil siguro tanod iyon...at nilapitan ko siya upang tanungin.

Nang malapitan ko na siya at nasa harapan ko na't...parang may kaba akong nararamdaman. "Mama, nakita niyo po ba ang batang..." tumingin siya sa akin nang malapitan at hindi ako nakapagpatuloy sa aking itatanong. Lalung lumakas ang kabog sa dibdib ko. Bigla, hinawakan niya ang braso ko nang napakahigpit.





"Nandito ka lang pala," wika na mula sa kanyang bibig.

No comments:

Post a Comment