Thursday, January 27, 2011

CHAPTER 27

"Anak ng huweteng," tumayo si Adrianne at dali-daling lumabas ng bahay. Hahanapin niya iyung kalabaw. Si Michael naman nasa labas lamang at halos mangiyak-ngiyak.

"Michael," tinawag ko siya. "Halika rito, umupo ka sa tabi ko." Noong una parang nahihiya siya...ngunit lumapit na din siya sa wakas. "Michael, maari mo bang sabihin sa akin kung ano talaga ang nangyari?" Nahihirapan siyang magsalita noong una at parang pinipilit niya na masagot ang tanong ko. Ngunit sa huli, sinabi na rin niya sa akin.

"Ito kasi ang nangyari eh...itinali ko kasi si Berting doon sa puno ng mangga...ngunit hindi ko alam na...hindi mahigpit iyon kaya nakawala," paliwanag niya sa akin. Tumingin siya sa akin. "Natatakot ako, ate."

"Bakit naman?" nagtataka ako. Kalabaw lamang iyon kung tutuusin at pwede namang mahanap iyon.

"Kasi ang kalabaw na iyon, eh, parang kaibigan ni Kuya Adrianne." Tama naman siya kahit papaano pero parang mas malalim na dahilan kung bakit eh. Gusto ko sanang itanong ngunit sa kalagayan ni Michael ngayon, parang mahirap tanungin ito. Naghintay kaming dalawa ng ilang minuto at saka bumalik si Adrianne.

"Anong ginawa mo?!" pasigaw na tanong niya. Hindi makakibo si Michael. "Alam mo naman kung gaano kahalaga sa akin ang kalabaw na iyon, tapos ito, dahil sa kapabayaan mo!"

"Kuya...patawad," ito lamang ang nasabi ni Michael.

"Patawad?" parang naiinis at nagagalit si Adrianne. "Kaya bang makita ng patawad mo si Berting?" Hindi makakibo si Michael. "Kung hindi mo mahanap kalabaw na iyon, huwag na huwag kang tatapak sa pamamahay na ito!" Unti-unting tumayo si Michael at lumabas ng bahay. Baka hahanapin niya iyung kalabaw. Tiningnan ko si Adrianne saglit at parang ang mukha niya'y di maipinta. Dali-dali siyang umakyat sa itaas sa kwarto.

Ilang oras na rin ang lumipas at dumilim na. Si Adrianne ay naghahanda ng pagkain ngunit si Michael...ay hindi pa rin dumarating. "Carmela, kumain ka na," paanyaya ni Adrianne sa akin. Tumayo ako, nilapitan ang mesa at saka umupo. Nang makaupo na ako, si Adrianne naman ay nakaupo sa harapan ko. Hindi ko mapigilang tingnan ang pinto. Dala ito ng aking pag-aalala kay Michael na ilang oras na ring hindi pa nauuwi.

"Adrianne," tawag ko sa kanya. "Hanapin na kaya natin si Michael?"

"Huwag mo na siyang hanapin," nakakagulat na sagot ni Michael sa akin. "Hayaan mo na ang batang iyon." Nakakapagtaka si Adrianne. Ni isang bakas ng pag-aalala mula sa kanya para kay Michael ay parang wala lang sa kanya.

"Hindi ka ba nag-aalala sa kanya, Adrianne?" tanong ko sa kanya habang kumukuha siya ng kanin.

"Pwede bang huwag na natin siyang pag-usapan!" tumaas ang boses ni Adrianne na parang naiinis sa aking tinatanong sa kanya.

"Adrianne, gusto ko lang itanong kung nag-aalala ka sa kanya?" at parang tumaas na rin ang boses ko sa kanya. At isang sagot ang hindi ko inaasahan sa kanya.






"Hindi," dali-daling sagot niya. "Dahil hindi ko siya kapatid at hindi ko siya tinuturing na kapatid."

No comments:

Post a Comment