Wednesday, January 5, 2011

CHAPTER 23

Humarap sa akin ang lalaki at ikinagulat ko ang aking nakita.

"Mang Badong?" nagulat ako sa aking nakita. Nakasuot ang matanda ng jacket at maong. "Bakit ganyan ang suot niyo?" Nakapagtataka.

"Iho, sinuot ko na ito kasi galing ito kay April-iyung anak ko sa Amerika. Pinadalhan ako nun nito," paliwanag niya. "Sinukat ko na..."

"Ganun ho po ba," nasabi ko na lang dahil sa pagtataka. "Teka, bakit po kayo narito?"

"Adrian, may gaganapin kasing sayawan-bayan sa plaza, sa Linggo," sabi niya sa akin. "Aanyayahin kita na pumunta doon. Isama mo na rin si Michael."

"Sige po," umalis na si Mang Badong. Ako nama'y nagmamadaling pumasok sa loob upang kumuha ng pera. Lumabas ako at pinuntahan iyung traysikle. Nang makabayad na ay bumaba na si Carmela.

"Bakit ka natagalan?" tanong niya sa akin.

"Wala iyon." Pumasok kami sa loob ng bahay. Tamang-tama namang si Michael ay naghahanda ng pagkain. Tinulungan siya ni Carmela. Nang nakahanda na ang pagkain, sabay-sabay kaming kumain.

Tatlong araw na ang lumipas at parang wala pa ring nangyayari. Wala pang balitang natatanggap ang mga pulis tungkol kay Carmela, kung may nawawala ba. Subalit wala pa. Nandito pa sa amin si Carmela, tumutulong sa mga gawain sa loob ng bahay. Minsan, gusto kong itanong sa kanya, kung ano ang nangyari sa kanya, ngunit parang nakakahiya naman. Ang kanyang pinanggalingan, malayo rin naman. Kaya mabuti pa't ako na lang maghintay sa kanya sa kung ano ang sasabihin niya. Habang ako'y nag-iisip sa ilalim ng puno ng mangga sa gitna ng bukid, nakita kong dumarating si Carmela rito. May dala-dala siyang basket. Nang kanyang marating ang puno, nagwika siya sa akin.

"Sabi ni Anthony, hindi ka pa kumakain, Adrianne," sabi niya sa akin na may ngiti sa kanyang labi. "Kaya pinagdalhan na lang kita ng pagkain, baka kasi nagugutom ka."

"Salamat," ito lamang ang nasambit ko sa kanya sa pagdadala niya ng pagkain sa akin. Inilabas niya ang plato, kutsara at ang pagkain mula sa basket. Nang matapos na siya sa paghahanda, kinuha ko na ang kutsara at saka kumain. "Carmela, sabayan mo na ako dito."

"Huwag na, kakain ko lang," sagot niya sa akin habang tinitingnan niya ang bukid sa kaliwa. Tumingin rin siya sa malayo kung saan natatanaw niya ang dagat at palaisdaan. "Ang ganda pala rito." Napatingin ako sa kanya. "Napakatahimik...tapos...sariwa ang hangin...parang napakagaan sa pakiramdam."

"Ganun ba?" nasabi ko lang. "Sa lugar kung saan ka galing ba, kabaligtaran ba siya rito?"

"Parang," simpleng sagot niya. Tumingin siya sa akin. "Tingin mo ba, masaya rito?" Hindi ako makasagot sa tanong niya. Nagdadalawang-isip siguro,oo.

"Malay ko," eto ang sagot ko sa kanya. Nagtataka siya. "Kasi...kung masaya rito, dapat sana wala nang pumunta doon sa siyudad para magtrabaho." Tumingin na lamang siya sa malayo. Maya-maya ay may napansin ako na may tumulo mula sa itaas. Binuksan ko ang palad ko at mula sa kalangitan, isang patak ng ulan ang bumagsak rito. At unti-unti, bumagsak mula sa kalangitan ang maraming patak ng ulan.

No comments:

Post a Comment