Wednesday, December 29, 2010

CHAPTER 21

"Kuya," tawag sa akin ni Michael. "Iyung babae, nagkamalay na." Ang tinutukoy niyang babae ay iyung babaeng nakahiga sa kama. Payat ang pangangatawan at may pagka-pandak at ang mukha nama'y tamang-tama. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang babaeng iyan; nakita ko lamang siya sa daan isang gabi habang pauwi na ako sa amin. Nakahandusay ang babae't walang malay. Napansin ko sa kanyang braso ay meron itong marka ng pagkagapos. Marahil isa siyang biktima at sakaling, nakatakas siya mula sa mga taong iyon. Nilapitan ko ang babae upang alamin kung sino siya at anong nangyari sa kanya.

"Miss," bati ko sa babae. "Musta na ang iyong pakiramdam?" Hindi siya masyadong makapagsalita...parang tahimik lamang siya. Tumingin lamang siya sa akin.

"Kuya, anong nangyari kaya sa kanya?" tanong ni Michael.

"Hindi ko alam," sagot ko naman sa kanya. Lumayo muna ako sa babae at umupo sa isang bangko. Siguro, ang babae ay hapong-hapo at parang wala sa sarili, dala marahil ng nangyari sa kanya. Maya-maya ay pinikit uli niya ang kanyang mga mata. Lumabas ako sa aming pamamahay at kumuha ng isang sigarilyo mula sa aking bulsa. Nagsindi muna ako upang maging mahinahon at makapag-isip na rin siguro sa mangyayari bukas. Siguro'y dadalhin ko muna ang babae sa malapit na barangay center upang ipatingin sa doktor kundi sa mga tanod o pulis.

Kinaumagahan noon, nang mag-agahan kami ni Michael, bumangon ang babae. Tumayo siya't nilapitan kami. "Miss, kamusta na ang pakiramdam mo?" Hindi ko inaasahang sasagot siya sa akin.

"Nasaan ako?" tanong niya sa amin.

"Miss, huwag kang matakot sa amin," paliwanag ko sa kanya. "Mababait kaming tao." Tumingin lamang siya sa amin. "Nasa bahay ka namin."

"Ganun ba?" ito ang sagot niya. Nagtataka ako kung nangyari sa kanya kaya minabuti kong tanungin siya nito.

"Miss, ano bang nangyari sa iyo?" tanong ko sa kanya. "Nakita na kasi kita sa daan, walang malay at may marka ng pagkakagapos sa iyong braso." Ngunit hindi niya masagot sa akin ang tanong ko. Sa kanyang mukha'y halata na nahihirapan siyang sabihin o ipaliwanag sa amin kung ano ang nangyari sa kanya. "Huwag mo na lamang sagutin ang tanong ko," ani ko sa kanya. Tinawag ko si Michael. "Michael, kunin mo ang bangko," sabi ko sa kanya. "Baka nagugutom na siya." Kinuha ni Michael ang bangko at iniligay ito sa harap ng hapag-kainan. Tumayo ako at pinaupo ko ang babae sa bangko. Umupo rin ako sa aking upuan. "Kumain ka na," paanyaya ko sa kanya. Tiningnan niya ang pagkain ngunit hindi niya ginalaw ang kutsara at tinidor. Wala siya sigurong ganang kumain. "Aaah, miss," tawag ko sa kanya. "Ang pangalan ko pala ay Adrian," pakilala ko sa kanya. "At ito naman si Michael, kapatid ko." Tumigil ako sandali at tinanong siya. "Miss, ano pala ang pangalan mo?" Tahimik siya at hindi makasagot. Ngunit...





"Carmela," sagot niya, ang pangalan pala niya...

No comments:

Post a Comment