Wednesday, December 15, 2010

CHAPTER 18

Nagtataka ako kay Carmela kung bakit wala pa siya sa lugar kung saan magde-date kami. Naghihintay na ako ng ilang oras at parang wala pa rin. Umorder na ako ng maraming tubig at uminom ngunit di pa siya dumadating. Nandito ako sa restaurant kung saan una kaming nag-date sa isang mall.

"Boss," tawag ng isang waiter habang naghihintay ako kay Carmela. "Hindi pa ba darating ang kasama niyo?"

"Darating na iyon," nahihiyang sagot ko sa kanya.

"Kasi boss, wala na po kasi kaming mesa para sa iba naming customer eh," pakiusap niya. "Maari bang doon na lang kayo maghintay sa labas." Nakakahiya naman kung hindi ko gagawin ang pinapagawa niya ay umalis na ako sa loob ng restaurant. Doon ko na lang inintay si Carmela sa labas. Kinuha ko ang cellphone ko at nakita ko na mag-aalas tres na pala ng hapon. Tinawagan ko si Carmela ngunit wala pa ring sumasagot sa phone niya. Nag-antay pa ako ng ilang minuto ngunit wala pa rin - hindi pa rin siya dumting. Ano kaya ang nangyari sa kanya? Hindi naman siya ganyan. Siguro...hindi lang siya pinalabas ni Tito Arturo. Gusto ko pa naman siyang makasama bago ako babalik sa Amerika. Umalis na ako at pumunta sa parking lot. Pumasok na sa loob ng kotse at saka na umalis.

Nang nasa bahay na ako, dumiretso na kaagad ako sa aking silid at humiga muna sa kama. Inaalala ko ulit si Carmela. Hindi ko rin maiwasang maalala kung paano kami nagkakilala. Second year high school ako nung lumipat ako sa school niya. Nang una ko siyang makita, hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko... dahil ba maganda siya? Nang lumaon, nagkagusto ako sa kanya. Tinatago-tago ko na may gusto ako sa kanya at tumagal pa ng dalawang taon bago ako naglakas-loob na sabihin ko sa kanya iyon. Nagtapat ako sa kanya ngunit...hindi niya tinanggap. Nagtapat ulit ako ngunit...hindi pa rin. At sa pangatlo, nagtapat ako sa harap ng kanyang papa. Hindi naglaon, sinagot naman niya ako. At naging kami. Ngunit nagkalayo rin kami kasi kailangan kong pumunta ng Amerika, dahil napagkasunduan namin ng aking ama, na doon ako mag-aaral. Sinunod ko ang kanyang mga sinabi. Naalala ko tuloy ang mga luha sa kanyang mata noong inihatid niya ako sa airport. Umuuwi-uwi naman ako kahit papaano. At sa tuwing umuuwi ako, lagi kaming nagde-date upang mabayaran ko ang mga nawalang panahon sa aming dalawa. Si Carmela ang nagpatibok sa aking puso. Siya ang nagturo sa akin sa mga bagay na hindi ko alam. Hindi ko namalayan na nakatulog na ako.

Sa paggising ko, agad kong tiningnan ang cellphone ko kung tumawag at nagpadala ng text si Carmela ngunit wala pa rin. Lumabas ako sa aking silid, kumain, nanuod ng TV habang iniintay ko ang tawag niya at text ngunit wala pa rin. Hanggang sa bumalik na lang ako sa silid ko. Tinext ko siya bago ako matulog.

Kinaumagahan, sa pagbangon ko at pagpanhik sa ibaba, nakita ko ang papa ni Carmela sa sala. Habang tinitingnan ko siya, parang hindi siya mapakali. Nilapitan ko siya at nang makita niya ako... isang suntok ang hindi ko inaasahang galing sa kanya. Nakatayo pa rin ako mula sa suntok galing sa kanya. At agad niya akong tinanong

"Nasaan ang anak ko?!" malakas at parang nagagalit na tanong mula sa kanya. Nagtataka ako kung bakit niya naitanong ito.

"Si Carmela, ho?"

"Oo, di ba, magkikita kayo para mag-date, nasaan na siya ngayon?"

"Hindi ko maiintindihan ang mga sinasabi niyo..." Tumahimik siya sandali. Ilang sandali pa, muli siyang nagsalita.






"Nawawala si Carmela!" nagulat ako sa kanyang sinabi.

No comments:

Post a Comment