Thursday, December 9, 2010

CHAPTER 17

"Ano iyon?" ang tanong sa akin ng pulis. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kanya. Isusumbong ko ba ang mama ko o hindi? Bahala na...kung ano ang nangingibaw na iniisip ko ngayon siya na rin ang sasabihin ko sa kanya.

"Sir, hingin niyo sa mga katulong iyong susi ng CR kasi parang lock iyon," sabi ko sa kanya.

"Sige," sabi niya sabay talikod sa akin. Umalis na siya. Pumasok siya sa loob at nawala na siya sa aking paningin. Nakahinga na rin ako ng maluwag kahit na sa loob ko ay meron pa ring bumabagabag sa akin - ito ba ay sasabihin ko ang totoo? At tama rin ba?

Nang gabing iyon, ako ay nasa aking silid. Nagpahinga at ibig kong kalimutan muna kung ano ang mga nangyari ng araw na ito. Ang araw na ito para sa akin ay sobrang mahaba at sobrang nakakapagod. Nakaupo ako sa silya, sa harap ng bintana at wari'y tinitingnan ang mga butuin sa kalangitan. Marahil ang mga bituin na ito ay nakakaya ang lahat ng bagay dahil kahit sa gabing madilim, ito ay kumikislap ng maliwanag. Sa gitna ng aking pagmumuni-muni, ay may kumatok sa pintuan ng aking silid.

"Sino iyan?" tanong ko sa kumatok. Ngunit hindi ito sumagot bagkus kumatok pa ito ng isa. "Sino iyan?" tanong ko ulit sa kanya.

"Ang mama mo ito," sagot ng taong kumakatok sa pintuan. "Papasukin mo ako!"

Tumayo ako at nilapitan ang pintuan. Nagdadalawang-isip ako kung pagbubuksan ko ba siya. Hinawakan ko ang door knob at dahan-dahan kong binuksan ang pinto hanggang siya ang nakita ko sa aking harapan. Ganyan pa rin ang mukha niya at hindi maaninag sa kanya ang takot at balisa.

"Papasukin mo ba ako?" tanong niya sa akin. Dahan-dahan siyang dumaan sa harap ko at pumasok sa loob ng silid ko. Isinirado ko agad ang pinto.

"Ano ang iyong kailangan, ma?" nagtataka ako sa kanya at bakit siya nandirito ngayon.

"May pagkakataon ka namang gawin kung ano sa tingin mo ay tama," sagot niya sa akin. "Ngunit, bakit hindi mo ginawa?" Wala akong imik sa kanyang mga sinasabi. "Kung hindi mo sasabihin iyon, wala ka na ring pinagkaiba sa akin."

"Wala akong pinagkaiba sa inyo?" sagot ko sa kanya. "Wala akong pinagkaiba sa isang taong kayang magpapatay ng isang inosente para lamang sa pera?!"

"Ganun na nga? Ngunit ang alam ko ang pinagkaiba lang natin..." sabi niya nang harapan sa akin. "Ikaw maari mong gawing tama ang mali para sa pagmamahal." Hindi ako makasagot sa kanyang mga sinabi. Marahil tama siya, marahil mali siya. Dahan-dahan, dumaan si mama sa aking likuran. "Gusto mong mahalin ka ng Tito Arturo mo, di ba?" Inisip ko ang kanyang sinabi. "At gusto mong ikaw na lang ang mahalin ni Christian, tama ba?" Humarap ako sa kanya. Tiningnan niya ako mata sa mata. "Isabel, hindi kayang mangyari ng ginagawa mo na mahalin ka ng tao. Dapat mong gawin..."

"Sabihin mo sa akin, ma." Huminga siya ng malalim.

"Dapat mong gawin ang lahat para makuha mo ang gusto mo...," nanlilisik ang kanyang mga mata. "Ikaw mismo ang gagawa ng paraan para sila ang pupunta sa iyo, hindi ikaw ang pupunta sa kanila."

"Gawin ko ang lahat...makuha ang gusto ko," nabigla ako sa aking narinig.

"Oo. Maging agresibo ka! Ngayong wala na si Carmela, kaya mo na itong gawin, di ba?" Dahan-dahan, niyakap ako ni mama at sa aking tenga, meron siyang ibinulog.





"Gawin mo ito para sa akin...anak," ang mga katagang ibinulong niya sa akin.

No comments:

Post a Comment