Limang daang libong piso, ito ang perang nakasulat sa chekeng hinahawakan ng aking kaliwang kamay. Nakasulat din ang aking pangalan. Ang katumbas ng perang ito para sa akin ay malaki. Mapapag-aral nito ang mga anak ko, makapagpatayo ng bahay at makapamuhay malayo sa karalitaan. Ngunit katumbas din naman ng perang ito ay pumatay ng isang inosenteng tao. Habang hinahawakan ko ang cheke, ang dalawang bagay na ito ang dumaraan sa isipan ko. Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at umalis mula sa bar, dala-dala ang cheke. Sumakay ng dyip at umuwi sa Marikina. Ang kinauuwian kong lugar ay isang iskwater. Magkakapit ang mga bahay na gawa sa kahoy, masangsang na amoy ng basura at kanal at ingay galing sa mga nag-iinumang ka-barangay sa tabi ng kalye at tsimis ng mga babae.
"Roger," tawag ng isa sa mga nag-iinuman. Kumuha ito ng isang baso ng alak at saka itinaas. "Tumagay muna tayo!" Inaanyayahan niya akong uminom.
"Pare, pass muna ako," pagtanggi ko sa paanyaya niya.
"Sige na, Roger. Isang baso lang..." pilit na paanyaya niya.
"Huwag na. Mamaya na lang."
"O sige, mamaya ha. Sabi mo..." Nagpatuloy ako sa aking paglalakad at sa wakas ay narating ko ang aking bahay. Bumungad sa aking harapan ang mga anak ko. Umupo sa harap ng bahay at parang nanghihina.
"Kumain na ba kayo?" tanong ko sa kanila.
"Hindi pa, tay," sagot ng panganay kong si Gerard.
"Eeeh, bakit hindi kayo umutang sa tindahan ni Aling Mameng?"
"Tay, ayaw na po kasi tayo pauutangin ni Aling Mameng," sagot naman ng pangalawa kong anak na si Jennifer. "Dahil po sa atin, nalulugi ang tindahan niya."
"Ganun ba," ito lang aking nasabi dahil sa awa. Naawa ako sa mga anak kong kumakalam ang sikmura. Dinukot ko ang aking pitaka mula sa bulsa ko at nang madukot ko na ito at kukuha ng pera, nakita ko ang cheke. Napatingin ako sandali at pagkatapos, kinuha ko ang pera. "Eto," ibinigay ko kay Gerard. "Ibili niyo iyan ni Jennifer ng pagkain kay Aling Mameng. Sabihin niyo sa kanya, na ikaltas rin ang utang natin sa kanya. Sabihin niyo rin, babayad ako sa madaling panahon." Umalis ang dalawa kong anak papuntang tindahan. Ako naman ay pumasok na sa loob ng bahay. Hapong-hapo at di-mapakali sa kakaiisip, umupo ako sa sofa. Tiningnan ko ang hawak-hawak kong pitaka at kinuha ang cheke. Sa laki ng perang ito, kaya nitong mapakain kaming buong mag-anak, mapag-aral ang mga anak ko at tumira sa isang desentang tahanan. Ngunit sa perang ito, kailangang kong gawin ang di karapat-dapat.
Ilang sandali pa ay dumating na sina Gerard at Jennifer. May dala-dala silang pagkain. Sinamahan ko sila nang sila'y kumain. At habang tinitingnan ko silang kumakain, nakakamay at ang pagkain ay nakalagay sa isang platong sirang-sira...hindi ko maintindihan ang aking nadarama. May parang tumutusok sa akin nang harapan.
Lumipas ang araw at gumabi...sa silid ko, kinuha ko ang cellphone ko at saka may tinawagan... si Rose.
"Tungkol sa pinapagawa mo sa akin...gagawin ko na."
No comments:
Post a Comment