"Ano ho?" nagulat ako. "Hindi pa siya dumadating?"
"Oo nga po eh. Kinakabahan na po si Sir Arturo na baka kinidnap na siya." Umalis na si manang at tiningnan ko maiigi ang mga nangyari. Na-kidnap si Carmela.
Maya-maya ay umalis na ang mga pulis at iniwan sina Tito Arturo at mama sa sala.
"Honey, okay lang iyan. Mahahanap natin si Carmela," sabi ni mama kay Tito Arturo.
Maya-maya, tumayo si Tito Arturo. "Hahanapin ko si Carmela." Kinuha niya ang susi ng kanyang sasakyan at saka lumabas mula sa mansyon.
"Honey, mag-ingat ka," sabi ni mama. Kami lamang ang naiwan ni mama kasama ng mga katulong sa mansyon. Pumanhik si mama sa itaas, sa kwarto nila ni Tito Arturo. Ako naman ay dumiretso sa hapag-kainan at saka kumain. May napansin akong parang isang pabango sa isang mesa. Nang matapos akong kumain, nilapitan ko ang pabango. Naisip ko na baka siguro kay mama ito dahil mahilig naman iyon sa pabango. Umakyat ako sa itaas at pumunta sa kwarto ni mama. Nang papasok ako, may narinig akong boses niya.
"Roger," tawag niya sa kausap niya. Marahil ay may kausap siya sa cellphone niya. "Nagawa mo ba ang ipinapagawa ko sa iyo?" Nagtataka ako kung ano iyon. "Mabuti. Natingnan mo na ba na wala nang kabuhay-buhay?" Kinabahan ako sa aking narinig. "Mabuti, saan mo dinala?" Nanghihinala ako. "Sige, mabuti iyan." Pumasok ako sa loob at kitang-kita ko si mama ay nakaharap sa bintana. Nang hahakbang ako, ay nagsalita siya na lubhang kong ikinagulat. "Wala na si Carmela." Nahulog ang pabango na aking hinawakan. Natapon ito sa sahig at ang loob nito ay umagos. Narinig ito ni mama at agad-agad siyang lumingon. Nagulat siya ng makita niya ako.
"Pinapatay niyo..."pautal-utal akong nakapagsalita dahil sa gulat.
"Mali ang iniisip mo, Isabel," sabi niya. Nanlilisik ang kanyang mga mata sa akin dahil sa kaba at gulat. Agad siyang lumakad papunta sa pintuan at isinirado ito. Tumingin ako sa kanya.
"Pinapatay mo si..." uulitin ko sana ang aking sasabihin.
"Isabel, mali ang iniisip mo," sabi niya ulit sa akin na hindi ko pinaniniwalaan mula sa kanya.
"Ma, narinig ng dalawang tenga ko..." halos maluha-luha na ako. "Bakit niyo nagawa ito?"
"Isabel, pakinggan mo ako..." pagmamakaawa ni mama na pakinggan siya. "Ginawa ko lang ito para..."
"Tumigil kayo!" sumigaw ako at itinakip ko ang aking tenga. Tumigil siya sa pagsasalita. At tiningnan ko siya sa mata. "Ma, sagutin niyo ang tanong ko." Kinakabahan ako sa itatanong ko. "Pinapatay niyo ba si Carmela?" Nakikita ko sa kanya na hindi siya makasagot at parang nagpatumpik-tumpik pa. Ngunit ilang sandali pa ay...
"Oo, Isabel...pinapatay ko si Carmela," ito ang sagot niya mula sa kanyang bibig.
No comments:
Post a Comment