Tuesday, May 25, 2010

Author's Narration [Introduction]

Isang malaking kasiyahan ang idinaraos sa pamamahay ni Don Arturo Garcia, sa huling linggo ng Abril. Ito ay para sa kanyang nag-iisang anak na si Carmela. Mahal na mahal ng don ang kanyang anak mula sa unang asawa kaya noong mag-debut ito ngayon, nagsadya siya ng isang malaking kasiyahan para lamang ito sa kanay.

Ang nasabing kasiyahan na ginanap sa hardin ng mansyon ni Don Arturo, kung saan may isang pool at may iba't ibang halaman ay larawan ng isang kasiyahang pinapangarap ng bawat debutante. May upuan ito para sa debutante, may buffet, may mesa't bangko at iba pang mga dekorasyon nakakabusog sa mata. Hindi rin mapapahuli ang isang malaki at mataas na cake na nasa gitna.

May mga bisita sa nasabing party. Mayayaman silang lahat na pawang mga kaibigan ni Don Arturo at kamag-anak ng mga Garcia. Nandoon rin siyempre ang mga kaibigan ni Carmela. Ang ama ni Carmela, si Don Arturo ay nakikihalubilo sa mga bisita kasama ang butihin maybahay na si Madam Rose na nagninining sa kagandahan dahil sa mga alahas na isinuot niya. Ang anak naman niyang si Isabel, simpleng manamit, nakasalamin at nahihiya ay nasa isang tabi lamang at tahimik.

Nang mapansing alas-siyete na sa kanyang relo, tinawag ni Don Arturo ang katulong.

"Sabihin mo sa aking anak na si Carmela na maghanda na," utos ng don sa katulong niya.

Nang makaalis na ang katulong, pumunta ang don sa harapan at kinuha ang mikropono. "Magandang gabi sa inyong lahat," bati ng don sa mga bisita niya.

Tumigil ang mga tao sa kanilang mga ginagawa pwera lamang sa mga waiter na nag-seserve ng mga inumin sa mga bisita. Ini-ukol ng mga bisita ang kanilang pansin sa don. Si Madam Rose naman, nilapitan ang anak. Halatang ang mukha niya ay naiinis sa pagkakita sa anak na simple lamang ang suot na damit. May ibinulong ito sa kanya at ang mukha ni Isabel ay nanlumbay.

"Kayong lahat ay nandirito ngayon upang ating ipagdiwang ang...ika-labing-walong kaarawan ng aking pinakamamahal na anak," nagwika ang don at sa mukha nito'y mababasa ang kanyang labis na kasiyahan. "Nais kong ipakilala sa inyo, ang aking anak na... si Carmela Eunice Garcia."

Bumukas ang isang malaking curtain sa may hagdanan at dito'y lumabas ang isang magandang dilag. Ang damit niya ay napakaganda. Isa itong puting gown na yari sa seda. Ang buhok naman niya ay nakakulot at ang mukha niya ay pinaganda ng make-up. Bumaba siya sa hagdanan. Ang mga bisita sa party ay walang ibang masabi kundi 'ang anak ng don ay maganda'.

Nang marating ang ibaba, sinalubong siya ng kanyang ama. Kinuha at hinawakan ng ama niya ang kanyang kanang kamay at nagtanong, "Maari ba kitang isayaw?" Lumakad sila ng ilang hakbang papunta sa gitna. Inilagay ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa likuran ng dalaga samantalang ang kaliwang kamay ni Carmela ay inilagay niya sa balikat ng ama. Tumugtog ang musiko. Nagsimulang sumayaw ang mag-ama sa saliw ng Blue Danube. "Ang ganda mo ngayon, iha?" sabi ng don na may kahinaan ang boses sa kanyang anak habang sumasayaw sila. Ngiti lamang ang iginanti ni Carmela sa ama. "Kung nandirito sana ang nanay mo...," patuloy ni Don Arturo. "Siguro, masaya iyon."

"Pa," sabi ni Carmela sa ama. "Huwag na po kayong malungkot. Masaya si mama kung nasaan man siya ngayon."

Samantala, habang nanunuod si Madam Rose, lumapit ang katulong. "Maam Rose, nandito po si Atty. Richard Reyes," sabi ng katulong.

Tumingin si Madam Rose sa katulong at ilang saglit ay nagwika," Papasukin mo siya dito."

"Opo, maam," umalis kaagad ang katulong.

Nang matapos ang sayawan nina Carmela at Don Arturo, umalis at nagpaalam ang don. Nakita niya na ang abogado niya ay papaalapit, sinalubong niya ito. "Attorney Reyes, buti naman at nakarating kayo sa kaarawan ng aking anak," salubong ng don.

"Oo nga't salamat at nakarating ako ngayon," sabi ng abogado. Tumigil sandali ang abogado at nag-usap sila ng don uli. "Don Arturo, mayroon sana tayong pag-uusapan. Maari ba kitang makausap ng sarilinan?"

"Oo naman," inaanyayahan ng don ang kanyang adogado sa loob ng bahay.

Nakita ito ng dalawang mata ni Madam Rose kaya sinundan niya ang dalawa hanggang sa pumunta sila sa opisina at library ni Don Arturo. Nakabukas ang pintuan ng bahagya kaya naririnig ni MAdam Rose ang mga boses nila mula sa loob.

"Attorney, ano ba ang pag-uusapan natin?" tanong ng Don.

"Don Arturo, natapos ko nang gawin ang inyong last will and testament," sagot ng abogado. Binuksan ng abogado ang kanyang briefcase, kinuha ang isang papeles at ibinigay ito sa don.

Tiningnan ito ng don ng maigi at nagwikang, "Magaling, Atty. Richard."

"Walang anuman po, Don Arturo," sabi ng abogado. "Nakalagay diyan sa papeles ninyo na ang hacienda at ang negosyo niyo ay ipinamamana ninyo sa inyong..."

Kinakabahan si Madam Rose habang nakikinig sa usapan ng dalawa.





"Anak na si Carmela Eunice Garcia," dugtong ng abogado. Nabigla si Madam Rose sa kanyang narinig.

1 comment:

  1. maganda itong storya na ito sanay ipag ptuloy mo pa ang paggawa ng mga istoryang magaganda at wag mong sayangin ang talento mo na ibinigay saiyo ng panginoon

    ReplyDelete